Sa mga may plano magpagawa ng bahay i-share ko sa inyo kung paano ginawa (ginagawa hindi pa kasi tapos) ang aming dreamhouse. Simula sa presyo ng mga materyales na ginamit at ang bayad sa labor para maitayo ito. Ang mga presyo ng materyales ay apektado ng maraming factors kaya maaaring hindi magkapareho sa hardware na malapit sa inyo. Nasa probinsya ng Albay po ang pinatayo naming bahay. Ang budget na ginamit ko ay galing sa aking ipon mula sa blogging at sa maliit na negosyo (at sa tulong na rin ng aking kapatid na OFW)
Hindi naman ito gaano kalakihan, wala ako kinuhang architect para gumawa ng plano (meron pala pero para sa pagkuha lang ng building permit), bumili lang ako ng floor plan online, hindi po ito complete na plano yung floor plan lang tapos ni-revise ko na lang at sa tulong ng foreman na kinuha ko at mga suggestions n’ya nabuo ang plano ng bahay. Gumawa ako ng model house na karton para mas madali masundan at parang actual nakikita yung gagawing bahay.
Makikita ninyo na medyo iba ang ginawa kong model house, habang ginagawa kasi yung bahay marami pumapasok na mga ideas na sa tingin ko parang mas maganda at babagay (sa palagay ko) kaya marami nabago at dinagdag sa actual. Yung garahe pala nilipat namin sa right side, yung unang plan kasi sa likod dapat pero medyo masikip.
Wala palang detailed drawing na sinusundan gaya ng size ng poste, beam, lalim ng pundasyon, mga size ng bakal na gagamitin at iba pa. Yung foreman ko na lang ang bahala kasi kabisado na n’ya ang sakin lang yung sukat at design ng bahay, basta sasabihin ko lang sa kanya dapat ganito, ganyan s’ya ba balaha sa detalye.
Pagdating naman sa permit, syempre kailangan may plano ang bahay (detailed plan) para mabigyan ng Building permit. Ang ginawa ko pinakita ko na lang yung floor plan na binili ko at nagbayad na lang ako para gawan ng plano base dun sa floor plan. May kakilalang architect yung foreman at sya na lang gumawa ng structural, electical, plumbing at iba pa. Umabot sa Php 35k ang nagastos ko para sa building permit, kasama na dito yung pagpapagawa ng drawing, lahat-lahat na pinalakad ko na lang kasi alam n’yo na ang bagal ng proseso.
Materials and Construction Pagdating naman sa materyales at construction ito ang ginawa ko para magkaroon kayo ng idea, ang size pala nung bahay ay sa ground floor 11.5m x 8.25m at sa first floor 8m x 6.7m kaya ang total square meter ay nasa 148sqm taas at baba na. Slab pala lahat hanggang bubong, kaya may rooftop.
Pakyawan ang labor at ako ang bibili ng materyales ganun ang usapan namin at ginawa kong stage-by-stage yung pag pakyaw nila. Ito ang presyo sa labor at materyales na ginamit every stage
Stage Job Labor Cost Materials Cost Remarks 1 Skeleton Structure P250,000 P1,025,000 Ito na ang total cost ng materyales mula skelton hanggang ma-palitadahan or ma bole yung bahay. Kasama dito yung semento, bakal, buhangin, steek deck, coco lumber, etc. 2 Paglagay ng Hollowblocks or Asintada P80,000 3 Palitada or Pag-Bole P220,000 4 Doors/Lock/Hinges P107,777 9 lahat na pintuan ang pinagawa ko, kasama na ang hamba at mga door lock sa P107,777, gumamit kasi ako ng dalawang smart lock kaya medyo mahal. 5 Skim Coat P70,000 P32,720 Bostik Skim Coat ginamit namin nasa P540 isang bag 6 Door Paint P11,700 P10,688 Pinapinturahan ko na lang yung mga pintuan P1,300 ang pakyaw kada pintuan 7 Windows/Sliding Door P145,000 Medyo marami bintana at may sliding door pa. 8 Ceiling/Masilya/Paint P80,200 P58,799 Hardiflex 3.5, metal furring, C-channel at rivet ang gamit, yung hardiflex P390, metal furring P100 at Carrying Channel P110. Kasama na dito yung pag masilya ng kisame yung labor umabot ng P21,200 tapos yung sa materials P11,975 primer paint pa lang 9 Tiles P71,500 P114,050 Mariwasa karamihan na tiles ginamit ko 60×60 sa garahe 40×40 hindi kasama tiles sa lababo at sa rooftop
Skeleton Frame Ang size ng bakal na ginamit namin ay 16mm para sa mga poste at beam, 10mm para sa stirrup or anilyo tapos gumamit kami ng 12mm para sa slab at ang sapin ng slab steel deck gamit sa halip na plywood. Ang labor pala pina pakyaw ko na lang, P250k ang napagkasunduan namin sa labor lang, sakin lahat ng materyales
Steel Deck Sa mga hindi pa nakaka-alam ito yung sinasapin sa buhos, imbes na plywood ito ang ginamit namin, hindi na pala ito tinatanggal mas matibay medyo mahal nga lang.
Inoorder pala itong steel deck wala kasi gaano gumagamit kaya bihira makahanap sa hardware, may kilala yung foreman na agent kaya dun na kami kumuha. Per meter pala ang presyo nito nasa 420 pesos per meter kuha ko, ang lapad nya 465mm halos kalahating metro. Inabot ng Php 100, 700 yung bili ko sa steel deck baba at taas na.
Madali lang ilatag kapag nalagay na ang mga support na coco lumber.
Pakatapos malagyan ng bakal, wine-welding yung mga dugtungan ng steel deck at bakal para hindi gagalaw at mas matibay
Inabot ng 2 months ang constuction ng skeleton, pagkatapos sinunod na ang paglatag ng hollowblocks, habang pinapatigas yung slab sa taas nag-aasintada na sila sa ilalim.
Pag-lagay ng Hallowblocks Front side Medyo nagkakaroon na ng porma yung bahay nung unti-unting nalalagyan ng hallowblocks. Mabilis lang nalagyan ng hollowblocks, inabot lang ng 3 weeks nabalot na yung bahay ang nakatagal lang ng kunti yung paglagay ng canopy sa tapat ng bintana, kailangan kasi naka insert yung buhos sa asintada para walang leak.
Back side Pag-Palitada o Plastering
Medyo matagal bago natapos yung pag palitada o platering, mabusisi na kasi maraming kanto, rough finish lang pinagawa ko hindi ko pina puro para pag lagay ng skim coat makapit at hindi natutuklap. Inabot ng mahigit dalwang buwan bago natapos tatlo minsan apat na mason nagpa-palitada, wala rin pasok pag sabado at minsan pati linggo hindi rin sila pumapasok.
Nilalagyan namin ng Sahara halo na pang palitada para hindi tumagas, box type kasi design ng bahay kaya dapat waterproof ang wall, pag hindi kasi nagawang maayos parate nagkakaroon ng leak ang mga ganitong design.
Nagsimula pala ang construction ng skeleton structure June 28 at natapos ang plastering ay First week na ng November, halos weekend lang ang pahinga ang average na worker kada araw nasa 10 person (skill at helper).
Skim Coat Pagkatapos ng plastering hinto muna construction at nag resume 2nd week na ng January, skim coat na ang sinunod ko, inabot ng isang buwang ang pag skim coat labas at loob, tatlong tao ang nag-aapply ng skim coat. Bostik brand ng skim coat ang gamit namin para hindi raw madaling mabakbak.
Habang nag Skim coat, pakatapos nilang lihain or pag makinis na, ina-applyan ko na ng Primer, Boysen Flat Latex ang ginamit ko tapos hinhaluan namin ng Flexibond para mas makapit at maging waterproof ang mga wall.
Hindi ko na pala pinapakyaw ang pag pintura pina-skim coat ko na lang at ako na nag apply ng Primer pati na yung top coat.
Davies Elastomeric yung ginamit ko sa kulay brown at yung mga light grey ay Boysen na semi-gloss hinaluan ko na lang ng kunting itim para mag kulay grey.
Doors, Locks at Hinges
Sa mga pinto naman umabot ng P81,000 yung 9 na pinto parang pumapatak na tag P9,000 ang isa kasama na hamba at lahat ng sizes na. Sa main door ang size 90cm, sa mga kwarto 80cm at sa CR 70cm.
Gumamit ako ng dalawang smart lock, sa main door at sa kwarto namin, nasa mahigit P15,000 yung dalawa at yung saibang pinto nilagyan ko na lang ng Yale door lock. Ang mga hinges na ginamit yung heavy duty na Amerilock 3.5 x 3.5, apat sa isang pinto.
Door Paint Pakyaw yung pag pintura ng mga pinto kasama na mga hamba, P1,300 kada pinto kasama hamba ang pakyaw ng pintor
Sa main door lang pala kami gumamit ng pintura yung mga sa kwarto ginamitan na lang namin ng Boysen Sanding Sealer, hinaluan na lang ng pangkulay parang chocolate brown na pintura pag natapos, mas makatipid kasi hindi na mag primer.
Ito na yung natapos lagyan ng sanding sealer.
Windows Sa windows umabot ng P145,000 ang total na binayad ko kasama na rin ang pagkabit nito. 1/4 ang kapal ng salamin.
Ceiling o Kisame
Sunod na ginawa yung paglagay ng kisame, hardiflex na 3.5 ang kapal ang ginamit namin, P390 ang isa dito sa kinukuhan ko na hardware, ang metal furring ay P100 at carrying channel ay P110. Modern design yung pinagawa ko, yung mga nilalagyan ng cove light.
Inabot ng isang buwan bago natapos yung kisame, may mga design kasi akong pinagawa, tatlo silang gumawa.
Deretso na pala yung pag-masilya at primer ng kisame.
Pagkatapos ng kisame paglagay na ng tiles ang isusunod.
Tiles Inabot ng P71, 500 ang labor cost sa pagkabit ng tiles at P114,050 naman ang cost sa materials, halos lahat Mariwasa tiles ang ginamit namin. Hindi pa pala kasama yung tiles sa mga CR at kitchen, sa floor lang lahat yan.
Railing Sinunod na rin ginawa yung mga railing sa hagdan pati yung sa labas, hindi ko pa pala na compute kung magkano yung total na nagastos para sa mga bakal at yung labor, hindi ko makita yung ibang resibo. I-update ko na lang pag nakita ko na.
Railing sa Hagdan Railing sa labas, taas ng garahe Ako na pala lahat nag masilya at pintura ng mga railings.
Kitchen Cabinet Sunod na pinagawa ko yung mga cabinet sa kitchen, taas baba. Per flywood yung pagawa ko P1000 ang bayad para isa isang 3/4 flywood na magagamit. Inabot ata ng 15pcs na 3/4 marine flywood ang nagamit.
This is so informative….thanks and keep blogging. God bless
Detailed, step by step, and very transparent scope of work. Highly commendable to everyone planning to build a dreamhouse. More power sir!
Gano katagal yung timeline ng pag build ng house nyo po? And ilang sqm in total?
Inabot po ng 1yr kasi natigil ng dalawang buwan. Nasa 148sqm